Trimester ay tutulan, talento’y ipaglaban!

Isinulat ni FILIPINO | KOLUM

Sa aking pagsali sa campus journalism, marami akong natutunan—higit pa sa simpleng pagsusulat. Dito ko nadiskubre ang aking talento sa malikhaing pagpapahayag, pagbuo ng kwento, at kritikal na pag-iisip. Bukod dito, nahubog din ang aking kakayahan sa pakikipag-ugnayan, pamumuno, at pagtanggap ng konstruktibong kritisismo.

Ang mga kasanayang ito ay hindi lamang natatamo sa loob ng silid-aralan kundi sa aktwal na karanasan sa labas nito.

Nang masabak ako sa mga kompetisyon tulad ng National Schools Press Conference (NSPC), hindi lamang medalya ang aking nasungkit kundi bagong karanasan—karanasan kung saan natutunan kong hawakan ang responsibilidad, pangasiwaan ang oras, at magpakita ng determinasyon. Sa bawat artikulo, sanaysay, o editoryal na aking isinulat, unti-unti kong nahuhubog ang aking sariling boses at pananaw bilang isang kabataan na may malasakit sa lipunan.

Subalit, nakalulungkot malamang malaki ang posibilidad na maaapektuhan ang ganitong mga extracurricular activities dahil sa iminungkahing trimester calendar ng Department of Education (DepEd) na pinangunahan ni Secretary Sonny Angara. Ayon kay Agnes Y. De Guzman, isang Assistant Principal sa isang pampublikong paaralan, mababawasan ang mga pagkakataon para sa mga kabataan na lumahok sa NSPC at sports competitions.

Hindi ko maiwasang mag-alinlangan at magalit, sapagkat malinaw na ang mga aktibidad na ito ay hindi lamang basta libangan.

Ayon sa Republic Act No. 7079, o mas kilala bilang “Campus Journalism Act of 1991,” ang campus journalism ay may layuning palakasin ang pagpapahalagang etikal, hikayatin ang mapanuri at malikhaing pag-iisip, at paunlarin ang moral na katangian at personal na disiplina ng kabataan. Sa madaling salita, ang ganitong mga aktibidad ay pundasyon sa paghuhubog ng mga kabataang may kakayahan at karakter na handang humarap sa hamon ng lipunan.

Kung mababawasan o malilimita ang ganitong aktibidad dahil sa trimester calendar, marami sa amin ang mawawalan ng pagkakataon na tunay na matuto sa pamamagitan ng karanasan. Hindi lamang medalya at tropeyo ang nakukuha sa mga kompetisyon, kundi mga leksiyon sa buhay, networking, at kasanayan na hindi matutumbasan ng tradisyonal na klase.

Ang bawat artikulong na aming isinusulat ay nagtuturo ng pagiging responsable, maagap, at kritikal—mga kasanayan na mahalaga sa hinaharap ng kabataan.

Sa kabilang dako, ayon pa kay De Guzman, hindi naman tuluyang mawawala ang mga aktibidad na ito. Ililipat lamang ito sa dalawang linggong break ng mga mag-aaral.

Subalit, ang panahong iyon ay itinalaga para sa pahinga, oras para sa pamilya, at personal na rekreasyon. Ang pagsasabay ng mga mahahalagang aktibidad sa limitadong panahon ng pahinga ay posibleng magdulot ng stress at maaring magpabawas sa kalidad ng aming partisipasyon.

Hindi sapat na sabihing “maaari pa rin itong gawin sa break.” Dapat mas kilalanin ang kahalagahan ng campus journalism at sports bilang integral na bahagi ng paghubog ng kabataan.

Kung nais ng DepEd na mas maging epektibo ang edukasyon, dapat isaalang-alang ang balanse sa pagitan ng akademikong gawain at extracurricular activities. Ang bawat kabataan ay may pangangailangang matuto hindi lamang sa libro, kundi sa aktwal na karanasan, pakikipag-ugnayan, at malikhaing pagpapahayag.

Sa huli, ang aming boses bilang kabataan ay hindi dapat ipagkait. Ang campus journalism ay hindi lamang tungkulin, ito ay karapatan, oportunidad, at misyon na humuhubog sa amin upang maging responsableng mamamayan. Ang bawat artikulo, bawat balita, at bawat sanaysay na aming isinusulat ay bahagi ng aming paghubog bilang kabataang may kritikal na pag-iisip at may malasakit sa lipunan.