Tiyaking epektibo ang Trimester calendar!

Kung ipatutupad ang trimester calendar nang wala kasiguraduhan at kahandaan, hindi kaunlaran ang epekto nito sa mga kabataan, sa halip hahantong lamang ito ng kalituhan at kaguluhan.
Sa ginanap na press briefing kamakailan lang, tinalakay ni Agnes Y. De Guzman, isang Doctors of Education at Assistant Principal sa isang pampublikong paaralan, ang epekto ng iminungkahi ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na timester sa susunod na school year.
Subalit nakadidismaya isiping imbes na maayos ang epekto ng panukalang ito, magdudulot lamang ito ng kaguluhan kung ipapatupad ito nang walang kahandaan at kasiguraduhan.
Solusyon ang trimester calendar para punan ang mga pagkukulang sa pagkatuto ng mga estudyante simula noong pandemya. Ayon sa datos mula sa DepEd na kung saan ibinahagi ni De Guzman, umabot ng 50% ang learning loss ng mga estudyante sa panahon ng pandemic.
Nakatutulong ito upang mapahusay ang kalidad ng edukasyon, mabawasan ang workloads ng mga guro, at mabigyan ng sapat na panahon ang mga kabataan na magpahinga sapagkat batay sa pahayag ni De Guzman, magkakaroon umano ng two weeks break ang mga estudyante kada semester.
Ngunit kung pagbabago ang ating inaasam, dapat hindi ito ipatutupad kung walang komprehensibong impact assessment.
Ayon sa Assistant Principal, ang panukalang ito ay nasa yugto pa lamang ng konsultasyon at kasalukuyang nangangalap ng feedbacks mula sa stakeholders. Wala pang opisyal na inilalabas ang ahensya patungkol sa epekto nito.
Magbasa pa: Sa Iminungkahing Trimester System
Kung wala pang malinaw na datos, ang pagpapatupad nito ay magiging eksperimento sa milyo-milyong mga estudyante. Hindi pa tiyak na nalalaman kung paano maaapektuhan ang pag-aaral ng mga kabataan, trabaho ng guro, at gastusin ng pamilya.
Dagdag pa rito, malinaw na hindi pa natitiyak ang kahadaan ng mga pampublikong paaralan gayong nakikibaka pa ang karamihan sa mga paaralan sa isyung kakulangan ng silid-aralan at kagamitan sa paaralan.
Kamakailan lang, ini-report ng DepEd na humaharap ang ating bansa ngayon ng kakulangan sa silid-aralan at umabot ito sa mahigit kumulang 165,000, dahil sa paglobo ng populasyon.
MAGBASA PA: Ang kakulangan sa silid-aralan ay nasa 165,000 pa rin
Kung ang kasalukuyang sistema ay marami pa ring pagkukulang kagaya ng pasilidad, hindi pa rin epektibo ang panukala sapagkat mahihirapan sa pag-adapt ang mga estudyante kung ang kanilang kapaligiran ay hindi pa naisaayos.
Kung kaya, hindi dapat ito agad na ipatupad sa susunod na panuruang taon sa kadahilanang hindi pa natitiyak ang kahandaan at kasiguraduhan nito. Kinakailangan pa ng mas mahabang panahon sa pagkokonsulta upang masigurong maayos at epektibo ang sistema.
Sa kabilang dako, kinakailangan na umano itong ipatupad kaagad upang masolusyonan o mapunan ang agwat sa pagkatuto. Subalit, ang panukalang ito ay mauuwi lamang sa mga palpak na panukala kung hindi sisiguraduhin ng pamahalaan ang pagiging epektibo ng sistemang ito.
Sa huli, nararapat lamang na gawing epektibo ang panukala. Tiyakin ang handa ba ang estado ng bawat paaralan sa ating bansa. Sa halip na madaliin ang pagpatupad, tugunan muna dapat ng DepEd ang kakulangan sa silid-aralan. Magsagawa ng siguradong konsultasyon at feedback mula sa mga mag-aaral gayong sila ang sentro ng problemang ito. Paglaanan ito ng mas mahabang panahon na pagdiskusyunan upang mas masiguradong epektibo ito.


