Huwag isantabi ang kalusugan!

Isinulat ni FILIPINO | KOLUM

Sa tuwing katapusan ng linggo, hindi ko maiwasang matuwa sapagkat walang klase at sa wakas, makapagpahinga na rin ako mula sa mahabang panahon ng pakikipagsapalaran ng utak at katawan ko sa paaralan. Ang mga sandaling iyon ang nagbibigay sa amin ng pagkakataong huminga, makapag-relax, at mag-recharge bago muling sumabak sa mahihirap na aralin at gawain.

Subalit, nakadidismaya malamang mas madadagdagan ang aming mga gawain kapag tuluyan nang maipatupad ang panukala ni Department of Education Secretary Sonny Angara tungkol sa trimester calendar sa susunod na school year.

Ipinahayag ni Agnes Y. De Guzman, isang Doctor of Education at Assistant Principal sa pampublikong paaralan nang isinagawa ang press briefing kamakailan lang, mas madadagdagan ang mga gawain ng mag-aaral kapag napatupad na ito. Ngunit idinagdag niyang magkakaroon naman ng dalawang linggong pahinga kada semester sa bagong sistema. Ngunit sapat nga ba ito, gayong inaasahang mas dodoble ang aming mga gawain sa panahon ng klase?

Batay sa kaniyang pahayag, mula Hunyo hanggang Agosto ang unang semester, Agosto hanggang Disyembre ang pangalawa, at Enero hanggang Marso ang pangatlo. Sa bawat buwang ito, mas marami ang gawain—mga proyekto, pagsusulit, at iba pang requirements. Kasabay nito ang pagdoble ng sikap at hirap naming mga kabataan upang makasabay sa takbo ng klase.

Kung ikukumpara sa kasalukuyang sistema, marami na kaming gawain at madalas nahihirapan, lalo na kapag magkasabay ang assignments at exams. Paano pa kaya kung mas madagdagan ito sa ilalim ng trimester calendar?

Dalawang linggo lang upang magpahinga bago muling sumabak sa sunod-sunod na exams at proyekto. Para sa karamihan ng estudyante, ang dalawang linggong pahinga ay tila maliit na lunas lamang sa patuloy na stress at pressure na nararanasan namin sa araw-araw.

Ayon kay De Guzman, isa sa layunin ng trimester system ay mabawasan ang burnout ng estudyante. Ngunit ang totoo, ang stress ay nararanasan sa panahon ng klase, hindi sa dalawang linggong pahinga. Madalas, ang mga estudyante ay natututo sa huling minuto, natutulog nang kaunti, at minsan ay nakakalimutang kumain dahil sa dami ng gawain.

Ang burnout ay nagdudulot ng masamang epekto sa mental health ng kabataan. Batay sa datos ng National Institutes of Health (NIH), umabot sa 18.9% ng kabataan ang nagkakaroon ng suicidal thoughts dahil sa stress sa paaralan. Hindi biro ang mga numerong ito—ito ay tunay na banta sa aming kalusugan at kabuhayan.

Bukod pa rito, hindi lahat ng estudyante ay may parehong kakayahan o suporta sa bahay. May mga mag-aaral na kailangang magtrabaho pagkatapos ng klase, may mga kapatid na inaalagaan, o may kakulangan sa kagamitan tulad ng internet.

Ang trimester calendar na puno ng gawain ay lalo lamang nagpapalala sa hindi pagkakapantay-pantay na ito. Ang sistema na dapat sana’y nakatutulong, ay posibleng maging sanhi ng mas maraming problema sa halip na solusyon.

Hindi rin natin dapat kalimutan ang aspeto ng kalidad ng pagkatuto. Kapag pinipilit naming tapusin ang maraming requirements sa maikling panahon, kadalasan ay nauuwi lamang ito sa pag-alala sa sagot at hindi tunay na pag-unawa.

Ang tunay na layunin ng edukasyon ay hindi lamang ang makapasa sa exams, kundi ang matutunan at maunawaan ang aralin nang malalim. Sa kasalukuyang sistema, marami sa amin ang hindi na nakakapaglaan ng oras para sa tunay na pag-aaral.

Kung tunay na layunin ng Department of Education ang kapakanan ng estudyante, dapat isaalang-alang ang epekto ng bagong kalendaryo sa aming mental at emotional well-being, hindi lamang sa semester at break schedule. Ang mga dalawang linggong pahinga ay hindi sapat upang tubusin ang stress, pagod, at pressure na dulot ng triple semester system.

Nararapat na hindi lunurin ang mga estudyante sa aktibidad sa panahon ng klase. Magsagawa ang mga guro ng maayos na lesson plan kung saan epektibo ito at tiyak ding hindi maisantabi ang kalusugan ng mga kabataan.

Bago ipatupad ang bagong sistema, marapat lamang na pakinggan at unawain ang tunay na boses ng mga estudyante na sa bawat linggo ay nagsisikap at nagpupunyagi sa kanilang edukasyon.