Trimester system, layung itaguyod ang kalusugang mental ng mga mag-aaral at guro

Isinulat ni AGHAM | BALITA

KALUSUGANG MENTAL. Isa sa pangunahing layunin ng Trimester system ng DepEd ay ang tutukan ang kalusugang mental ng mga mag-aaral. Kuha ni INGLES


PAHAPYAW NA DETALYE:

  • Tinalakay ni Agnes Y. De Guzman, na ang disenyo ng bagong kalendaryo na may dalawang linggo ng pahinga matapos ang bawat trimester ay naglalayong bigyan ng sapat na “hingahan” ang mga estudyante at guro. 
  • Ayon sa kanIya ang hakbang na ito ay tugon sa lumalalang pagod at stress na nararanasan sa ilalim ng lumang sistema ng edukasyon.
  • Ang trimester system ay nagbibigay ng mas patas na pagkakataon para sa lahat na makahabol nang hindi nararamdamang sila ay nalulunod sa dami ng gawain

SURALLAH, South Cotabato — Binigyang-linaw  ng isang Assistant Principal at Doctors of Education, na ang paglipat sa trimester school calendar ay isang magandang solusyon upang itaguyod ang kalusugang mental ng mga guro at mag-aaral ng paaralan sa pamamagitan ng pagbalanse ng workload at pag-iwas sa academic burnout.

Tinalakay ni Agnes Y. De Guzman, sa isang press briefing kaugnay ng 2026 Regionals Schools Press Conference(RSPC) na ang disenyo ng bagong kalendaryo na may dalawang linggong pahinga matapos ang bawat trimester ay naglalayong bigyan ng sapat na “hingahan” ang mga estudyante at guro. 

Ayon sa kaniya ang hakbang na ito ay tugon sa lumalalang pagod at stress na nararanasan sa ilalim ng lumang sistema ng edukasyon.

“The main reason for implementing this is for the students to have adequate time to avoid burnout,” ani De Guzman. 

Ipinunto niya na ang pagkakaroon ng nakatakdang pahinga ay mahalaga upang mapanatili ang sigla at pokus ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin.

Naniniwala si De Guzman na ang pagbabago ng kapaligiran o new environment ay mabisang paraan ng pag-recharge ng isipan. 

Hinimok niya ang mga kabataan na huwag takasan ang mga hamon sa paaralan, kundi harapin ang mga ito nang may tamang gabay at tamang sistema.

“Every individual has a different type of coping mechanism. Find your stressor,” payo niya. 

Dagdag pa niya, ang trimester system ay nagbibigay ng mas patas na pagkakataon para sa lahat na makahabol nang hindi nararamdamang sila ay nalulunod sa dami ng gawain.

Sa ilalim ng repormang ito, ang 201 araw ng pasok ay hahatiin nang mas maayos upang maging mas “flexible” ang pagkatuto. 

Ayon kay De Guzman, ang mas malusog na isipan ay nagbubunga ng mas mataas na antas ng retention at partisipasyon, na siyang susi sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya.

“When we address the well-being of our students and teachers, we enhance the overall quality of education,” pagtatapos niya.